EULA VALDES RECALLS SNUBBING ENCOUNTERS WITH YOUNGER STARS

Katulad ng ibang mga sikat at beteranong artista, nakaranas din si Eula Valdes ng pambabalewala o pangii-snob mula sa mga baguhang artista.

Sa pagkukuwento nga ni Eula, pinagkibit-balikat na lang niya ito at inisip na di na lang niya ito papatulan.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mahusay na aktres sa nakaraang grand media conference ng Unbreak My Heart na ginanap  sa Seda Hotel, Vertis North, Quezon City nung nakaraang May 25.

Lahad niya, "Oo naman, tahimik lang ako. Sa akin, sa loob-loob ko lang, ‘enjoyin ninyo yan, tingnan natin kung magtagal kayo.’

"Dumating ako nun sa standby area, nag-uusap sila sa upuan. May kama, bigla silang lumipat dun, meaning, pinamukha nila na yun ang puwesto nila.

"Napahinto lang ako, ‘okay, dito lang ako.’ Pero nasaan na sila ngayon? Wala na sila."

Pero ayon kay Eula, may pagkakataon ding hindi niya napigilan ang sarili at may natarayan siya.

Kuwento niya, "Bata pa sila nung time na yun. Naglalaro pa sila, may sinabihan ako, nakalimutan ko na exactly pero parang ano, ‘umayos ka, lalamumin kita.’

"Parang na-ano siya pero magaling siya ngayon. Actually, magaling na siya noon pa. Wala siyang linya so wala siyang nakalaban.

EULA GRATEFUL TO BE PART OF UNBREAK MY HEART CAST

Masayang-masaya si Eula na naging bahagi siya ng cast ng Unbreak My Heart, ang kauna-unahang collaboration ng ABS-CBN, GMA-7 at VIU na pinagbibidahan niya, kasama sina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, Gabbi Garcia, Joshua Garcia at marami pang iba.

Saad niya, "Sobrang saya ko na kasama ako rito.

"Nagulat ako nung sinabi na magko-collaborate ang GMA at ABS. Sobrang nakakagulat.

Unang nakasama ni Eula si Jodi sa ilang serye ng ABS-CBN tulad ng Pangako Sa 'Yo at Kampanerang Kuba.

Papuri niya kay Jodi, "Grabe, isa siya sa magagaling na artista. Heto nga, may award na.

"Ano pa ba ang tatanungin mo at kukuwestyunin mo? Magaling siyang artista, matalino siyang artista."

EULA WILLING TO COACH YOUNGER STARS IN ACTING?

Paano hina-handle ni Eula ang sitwasyon kapag hindi makuha o hirap magbigay ng emosyon ang mga baguhang artista na nakakatrabaho niya?

Paglinaw niya, "Di ko sila ina-approach, kung sila ay sinabak na di pa ready, hindi ko problema yun. Although ako personally, pag involved ako sa isang project, iisipin ko na sana ganito, nasa utak ko lang ba.

"Kung feeling nila wala silang problema, parang unethical din naman mag-approach kung wala naman silang hinihinging tulong sa iyo.

"Iniiwasan ko rin yun, ayoko naman na porke't ano, iisipin mo agad tutulungan mo ako. Bakit, di ko naman hinihingi ang opinyon mo?

"Ang production naman ang makakapansin, from there siguro, kung gusto nilang mag-artista, e di magpatulong sila sa iba."

EULA DOESN’T MIND BEING SLAPPED

Tinanong din si Eula kung okay lang ba sa kanya kung sasampalin siya ng isang baguhang artista sa isang pelikula o serye?

Pakli niya, "Wala akong problema sa ganyan, ang sa akin gawin mo na kaysa ulitin pa natin.

"Walang ano sa akin yan. Heto yung trabaho, kailangan open ka na puwedeng gawin yan.

"Nasa role mo yan at mangyayari yan sa buhay ng tao, bakit di pupuwedeng gawin sa akin?"

EULA WANTS TO EXPLORE ACTION ROLES

Sa dami na ng mga roles na nagampanan na ni Eula, ano pa bang karakter ang gusto niyang gampanan at bigyang buhay?

Pahayag niya, "Wala akong maisip, pero gusto ko sanang mag-action.

"Di naman talaga action na barilan, medyo pisikal kasi maypagka-ganun akong tao.

"Gusto ko talagang i-showcase yung abilities, yung ganun ba, hindi yung mother lang, mother na may paglalaban or maraming sitwasyon na magagamit niya yung ganun.

"Di naman talaga all-out action, mga ganun, hindi yung puro barilan lang.

"Parang sa comedy nga di rin masyado, di ako nakakapag-comedy, e. Pero ganun ako sa totoong buhay e, masayahin ako. In time siguro."

EULA KEEPS LOVE LIFE PRIVATE

Nang tanungin namin kung may lovelife siya ngayon, agad naman kaming sinagot ng aktres na pokus na muna siya ngayon sa kanyang sarili at sa mga trabahong pinagkakatiwala sa kanya.

"Puso ko, buo siya. Di ko iniisip yun. Pokus lang sa trabaho. I love myself now saka ang pribado ay pribado," diin niya.

DOES EULA WORRY ABOUT MORTALITY ISSUES?

Sa panayam din naming ito, inamin ng aktres na may takot pala siya sa pagtanda at kamatayan.

Pag-amin niya, "Actually, natatakot akong tumanda at pag nababalitaan ko na may namamatay sa mga artistang pinapanood mo nung medyo bata-bata ka pa, pag nakita ko sila, ako na ang susunod.

"Ayoko silang makita na parang malapit na sila, although ang tao kailangang mamatay. Wala tayong magagawa, tatanda at mamamatay ang mga tao. Nakakalungkot lang."

2023-06-04T16:09:30Z dg43tfdfdgfd